NGAYONG kumpirmadong dito na gaganapin ang Miss Universe, pinapayuhan ang kandidata nating si Maxine Medina na huwag na lang magpa-pressure kundi gamiting challenge na lang ito sa kanya para lalo niyang pagbutihin ang performance niya pagdating ng competition.
Nakausap namin ang Bb. Pilipinas-Universe 2013 at 3rd runner-up sa Ms. Universe na si Ariella Arida, sinabi niyang hindi ganu’n kadali kay Maxine dahil tayo ang host country.
“Kung ako ang tatanungin, added pressure kasi ‘yun eh.
“Pero kung dito sa atin, ang support, mas umaapaw. Kahit sabihin kong advantage, minsan maiisip mo pa rin na, ‘Oh my God, nakaka-pressure kasi sa sarili kong bansa.’
“Baka isipin nila ‘pag mapapasok ako, baka sabihin nila may something. Siguro, dapat makita ng mga tao kung deserving ka for that spot,” saad ni Ariella.
Dagdag niyang pahayag, “Kung ako ang lalaban, I would take it as a motivation na lang.”
Noong nakausap ni Ariella si Maxine, nakikita niya ang excitement nang nalaman niyang dito na gaganapin ang Miss U.
“Naramdaman ko ang excitement sa kanya na at the same time nandu’n ang pressure sa kanya. Iba rin naman kapag nasa sarili kang bansa eh.
“Sabi ko naman sa kanya, isipin na lang niya na advantage mo. Dito pa lang sa atin, ang supporters mo, nag-uumapaw na.
“Eh dati nga sa Moscow, sa Las Vegas, what more kung dito pa gaganapin?
“Baka mawalan na ng seats ang ibang bansa kasi naunahan na ng puro Pinoy,” pahayag ng Bb. Pilipinas-Universe 2013.
“Sabi ko sa kanya, gawin niyang motivation. Parang mas isipin niya na excited siya,” dagdag na pahayag ni Ariella.

Willing si Ariella na maging bahagi sa ilang segments na gagawin ng Miss Universe sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Pero sa ngayon ay pinagkaabalahan niya ang co-hosting niya sa Wowowin ni Willie Revillame.
Magsisimula na rin kasi ang bagong segment nila na isa ring beauty contest, ang Miss Wow na ang magwawagi ay makakatanggap ng P500,000 at bagong kotse.