Iniutos ng Department of Environment and Natural Resour­ces (DENR) ang pansamantalang pagpapasara sa dalawang sikat na establisimyento at isang waste treatment facility sa u­nang araw ng rehabilitasyon ng Manila Bay kahapon dahil sa pagiging numero unong violator umano sa mga environmental law.

Natuklasan na nagtatapon umano ng maruming tubig sa Manila Bay ang Aristocrat Restaurant na nasa kahabaan ng Roxas Boulevard at Gloria Maris Restaurant na matatagpuan malapit sa Folk Arts Theater (FAT).

Kasama ring binigyan ng temporary closure order ang water treatment facility ng Esplanade sa The Mall of Asia Complex sa Pasay City.

Maliban sa tatlong nabanggit, anim na iba pang establisim­yento ang pinadalhan ng notice of violation.

Kabilang sa mga ito ay ang Aliw Inn, SM Corporate Office, SM Prime Holdings, SM Ferry Terminal, SMDC Sea Residences, at Lola Taba Lolo Pato Seaside.

Ipinalabas ng DENR ang closure order sa pamamagitan ng Laguna Lake Development Authority (LLDA).

Ayon kay LLDA General Ma­nager Jaime Medina, nilabag ng nasabing mga establisimyento ang Philippine Clean Water Act of 2004 dahil sa maruming tubig na iniluluwa ng kanilang mga pasilidad na nakakaambag sa pagdumi ng Manila Bay.

Samantala, sinabi ni DENR Sec. Roy Cimatu na tinatayang may 5,000 katao ang lumahok sa pagsisimula ng rehabilitasyon ng Manila Bay kahapon.

Bukod sa Manila Bay, nagsagawa rin ng sabay na cleanup activity sa Las Piñas, Navotas, at mga lalawigan ng Bulacan, Bataan at Pampanga.

Nauna nang sinabi ni Cimatu na target ng DENR na mapababa ang coliform level sa Manila Bay na nadiskubreng nasa 1.3 bilyon most probable number (MPN) kada 100 millimetro.