NI: ARCHIE LIAO
Ayon kay Arjo Atayde, marami siyang pinagdaanan bago siya nakapasok sa mundo ng showbiz at nakilalang magaling na actor.
Katunayan, tulad ng sinumang baguhan na sumubok sa pag-aartista, dumaan din siya sa butas ng karayom.
Ilang beses din daw siyang na-reject sa Star Magic bago naging lehitimong Kapamilya.
Sa unang teleserye raw niyang E-Boy, muntik na raw siyang mag-quit sa showbiz dahil sa pagkapahiya sa direktor.
Sa isang eksena raw kasi, umabot siya ng 18 takes bago niya naitawid ang sequence.
Gayunpaman, naging malaking hamon daw ito para pagbutihin niya ang kanyang craft.
Naging inspirasyon din daw ito para paghusayan pa niya ang kanyang pag-arte at mag-aral sa kanyang larangan lalo pa’t napamahal na ang bokasyong ito sa kanya.
Sobra namang nalulungkot si Arjo sa pagsasara ng ABS-CBN na nagbigay sa kanya ng pagkakataong makilala bilang isang mahusay na aktor.
Buo rin ang kanyang paniniwalang makababalik sa ere ang nasabing network na naging tahanan niya at pumanday sa kanyang sining bilang aktor.
Si Arjo ay isa sa mga aktor na tampok sa ExtendTheLove series presents Actors’ Cue, isang online show na pinangasiwaan ni Direk Adolf Alix, Jr. Layunin nitong makalikom ng pondo para sa displaced industry workers na apektado ng COVID-19 crisis.