Kamatayan ang kinahantungan ng lalakaing nagtangka diumanong pasukin ang isang remittance center, nang makipagpalitan ng putok sa awtoridad sa San Ildefonso, Bulacan kamakalawa.

Sa ulat ng pulisya, nakilala ang suspek na si Aaron Kliatchko na binawian ng buhay sa lugar ng engkuwentro dahil sa tama ng bala sa katawan.

Nakatanggap umano ng tawag ang pulisya hinggil sa paghinto ng isang tricycle sa tapat ng remittance center sa Brgy. Malipampang. Bumaba umano ang sakay nito saka tinangkang pasukin ang establisimyento kaya mabilis na rumesponde ang kapulisan para beripikahin ang ulat.

Nang dumating sa lugar ang pulisya, agad na sumibat ang suspek lulan ng tricycle. Dito na nagkaroon ng habulan hanggang makorner ito sa Brgy. Maasim, bumunot diumano ito ng baril at nanlaban kaya napatay sa maikling engkuwentro.

Narekober sa suspek ang isang caliber 38 revolver na kargado pa ng dalawang bala, isang pakete ng shabu, ginamit na tricycle na walang plaka at itim na bag na may lamang P600 cash, dalawa pang reserbang bala at susi habang patuloy pa din ang imbestigasyon ng pulisya sa pagkatao ng napatay na suspek. (Jun Borlongan)