Army official sa CDO iimbestigahan sa drug raid

Masusing imbestigasyon ang inilatag ng Philippine Army (PA) sa isa nilang opisyal upang matukoy kung may kinalaman ito sa operasyon ng ilegal na droga matapos maaresto sa isang pagsalakay ang asawa nito sa loob mismo ng kanilang bahay sa Cagayan de Oro City.

Ayon kay PA spokesperson Col. Benjamin Hao, iimbestigahan nila si Maj. Suharto Tambidan Macabuat, 40, mister ng isang naaresto sa drug operations sa nasabing lungsod.

“If there is an evidence that will show Macabuat is indeed linked with illegal drug operation, he will be referred to either the military court martial or the Army’s Efficiency and Separation Board (ESB),” pahayag ni Hao.

Napag-alamang nakuha sa bahay ng opisyal ang ilang short firearms at malaking halaga ng droga.

Batay sa rekord ng Philippine Army, si Macabuat ay kasal kay Haj. Johairah Bagumbung Macabuat, isang negosyante at may isang anak sila.