SUMAGLIT si Arnel Ignacio sa studio ng DZRH para maki-celebrate sa 77th anniversary ng radio station.
Nagmamadali si Arnel dahil magkakasunod ang meetings niya sa ilang ospital.
“Nagugulat sila sa akin pag pumupunta ako sa ilang hospital. Kagaya sa National Children’s Hospital, nagugulat sila sa akin pagdating ko.
“Kasi, tinatanong nila sa akin kung ano ang maipaglilingkod nila sa akin.
“Sabi ko sa kanila, hindi po ako. Ang tanong ko, ano ang maipaglilingkod ko sa inyo,” simulang kuwento ng comedian/TV host at AVP sa Community Relation and Services Deparment ng PAGCOR.
Hindi sila nasasanay na si Arnel mismo ang pumupunta sa kanila para ipaabot ang tulong ng PAGCOR.
Magkakasunod ang meetings niya at tinitiyak niyang makarating sa lahat ang tulong mula sa PAGCOR.
“Ang daming tumatawag sa akin pero hindi naman ganu’n kadali, eh. Basta ang sa akin, kailangang makarating sa mga dapat tulungan ang pondo mula sa PAGCOR,” patuloy na pahayag ni Arnel.
Ang laki ng ipinagbago niya magmula nang ibinigay sa kanya ni Pres. Rodrigo Duterte ang naturang posisyon.
“Ang bilis ng mga pangyayari. Ang laki ng binago sa buhay ko,” natatawang pahayag ni Arnel.
Ang isa sa ikinaloka niya, lalong dumami ang mga kaibigan niyang nagtatawagan para humingi ng tulong.
Tanggap niyang ganu’n talaga ang buhay. Alam niyang kung may mapapakinabangan sa‘yo, dumarami ang mga kaibigan mo.