Marahil, marami ang nagtatanong kung ano ba talaga ang nangyari kay Arnie Tuadles, taong 1996.

Maraming haka-haka ngunit ‘di natin pag-uusapan ang nangyari sa aking kaibigan at dati ko ring player sa PBA.

Nang pumanaw siya isang gabi sa isang club sa San Juan, ako’y nalungkot dahil tatlong linggo bago siya pumanaw, binisita niya pa ako sa aking opisina sa PBL (Philippine Basketball League), kasama ang kanyang maybahay na si Suzette.

Tatlong oras ka­ming nagkakuwentuhan ni Arnie, at nu’ng binisita ko ang burol niya, sinabi ni Suzette sa akin na parang namaalam lang si Arnie sa akin kasi halos 3 oras siyang nandoon sa aking opisina.

Napakulay ng buhay ni Arnie sa basketbol. Nu’ng tumuntong siya sa PBA, noong 1979, agad niyang nasungkit ang Rookie of the Year, at siya din ang pinakabatang miyembro ng Mythical Team, habang naglalaro sa Toyota, kasama sila Sonny Jaworski at Mon Fernandez. Pagkatapos sa Toyota, sumali si Arnie sa 6 pang koponan, kabilang ang Alaska, Great Taste at Formula Shell.

Naalala ko si Arnie, lagi niyang pinapayuhan nang maganda ang mga bagong player sa PBA. Binibigyan niya ng mga advise. Nakita ko na magiging magaling na coach si Arnie at inalok kong maging coach. Sabi ko sa kanya, ipapadala ko siya kay Coach Pat Riley para mag-aral ng coaching. Ngunit ang sagot niya sa akin, boss gusto ko pa maglaro.

Nu’ng championship series kalaban ang Ginebra, natalo kami sa pangatlong laro, at dito nagsalita si Arnie sa dugout kaharap ang mga player ng Shell, at ito ang sinabi niyang narinig ko, “Talo tayo kasi ayaw niyong lumaban. Takot na takot kayo kung binabalya kayo ng Ginebra, o binibigyan kayo ng matinding foul. Laban tayo, ‘wag tayong matakot sa mga ‘yan. Tao ring lang ang mga ‘yan. Kung bigyan kayo, bigyan niyo rin.”

‘Yan ang naalala ko kay Arnie Tuadles.