Dear Kuya Rom,
Lumaki akong sunud-sunuran sa gusto ng mga magulang ko. Tapos sunud-sunuran pa rin ako ngayon dahil sa ugali ng asawa ko. Siya ay may mataas na tingin sa sarili, inuuna at binubuhat ang sarili. Ang sarili niya lagi ang sentro ng kanyang kwento.
Ayaw patatalo. Dinuduminahan niya ang usapan. Kapag kontra ako sa sinasabi o ginagawa niya, sasabihin niyang huwag akong kokontra. Binubola niya ako, tulad ng pagsabing mabuting asawa ako, para sumang-ayon at sumunod ako sa gusto niya.
Ayaw niyang intindihin na hindi ko kailangan ang pambobola, hindi ko kailangang marinig na mabuti ako. Ang kailangan ko ay patas kami ng kapangyarihan at karapatang magdesisyon kung ano ang maganda para sa relasyon namin.
Ang sabi ko, bago siya magsalita o gawin ang gusto niya, isipin niya muna ng mabuti ang epekto nito sa akin at sa iba. Nasasaktan niya ang damdamin ng marami.
Ang relasyon namin sa aming mga kamag-anak ay nasisira dahil hindi niya mapigilan ang kanyang dila, lalo na kung may party. Pati ang mga anak namin ay apektado.
Ang sabi ko, ang tingin ng mga tao sa kanya ay mayabang, dominante, at arogante. Kailangang magbago siya. Pero magagalit lang siya. Tanggapin daw siya kung sino siya. Hay naku, kailan kaya matatapos ang ganitong alitan?
Away kong hiwalayan siya. Ang gusto ko lang ay asawang magalang sa akin at maingat sa epekto ng salita at kilos niya sa mga taong nasa paligid niya. Masama ba na maghanap ako ng isang nagbagong asawa? — Dorie
Dear Dorie,
Ang pagbabago ng ugali ay personal na desisyon ng isang tao. Ang pagbabago ng ugali ay hindi madali, lalo na kung matagal nang kinagawian ang masamang ugali.
Mahihirapang magbago ang asawa mo. Hindi mo siya mababago. Pero mababago mo ang ugali mo. Huwag makipagpataasan. Sa halip, magpasailalim ka sa mister mo, hindi dahil tama siya, kundi dahil mahal mo ang Diyos.
Sa mga oras na nagbubunganga ang asawa mo, iwasan mo na lamang siya. Mag-isip ka ng magagawa mo sa labas ng bahay, tulad ng pagpunta sa grocery o pakikipagkumustahan sa isang kaibigan o kapitbahay.
Sa bahay, gawin mong abala ang iyong sarili tulad ng pagluluto at ibang gawain. Sabihin mo sa kanya na nakikinig ka sa kwento niya. Hindi mo kailangang sumabad. Sa ganitong paraan, mababawasan o mawawala ang alitan ninyo.
Kapag may party sa labas, magpunta kang kasama ang mga anak ninyo, at huwag isama ang asawa mo, para maiwasang maging arogante siya sa tingin ng iba.
Turuan mo ang iyong sarili na magpatawad at magpasensiya. Patawarin mo lahat ng mga kasalanan ng asawa mo. Pasensiya ang pairalin mo sa katagisan ng ulo ng iyong asawa. Higit sa lahat, paghariin mo ang pag-ibig.
Isabuhay mo ang pag-ibig sa lahat ng sandali. Pag-ibig ang magtutulak sa iyo para baguhin mo ang iyong ugali sa biyaya ng Diyos at ipanalanging baguhin Niya ang asawa mo. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom