Arroyo tinaningan ni Sotto sa 2019 budget

Binigyan ng deadline ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang kampo ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo para bawiin ang kanilang enrolled bill at ibalik ang inaprubahang 2019 national budget ng bicame­ral conference committee.

Kung wala pa ring aksyon ang Kamara ayon kay Sotto hanggang sa Mayo 20 ay talagang mapipilitan aniya ang Senado na pairalin na lamang ang reenacted budget hanggang Agosto.

“By May 20, kung wala pa rin silang action no’n, wala na talaga. If they do not withdraw, and revert back to the original ratified version nila, then it’s going to be (reenacted) in August,” sabi ni Sotto.

Sinabi pa ni Sotto na hindi na rin siya papa­yag sa anumang bubuuing pagpupulong kasama ang mga kongresista para pag-usapan ang mga isyu sa nakabinbing 2019 budget dahil nakakalito, pa­ulit-ulit at wala na aniyang patutunguhan ang sinasabi ng Kamara na iwi-withdraw at ire-recall agad nila ang inapruba­hang budget.

“We will just wait for their final decision. Nalilito na kami. Ano ba talaga? So we’ll just wait for them to make up their minds once and for all,” ani Sotto.

“Basta we stand firm to what we have already said and what we have decided and that is we cannot agree to something that is violative of Article 170 of Revised Penal Code which is falsification of legislative documents. Kung ano ‘yung ni-ratify namin, kung ano’ yung pinasa namin, ‘yun dapat ang ipadala sa Presidente,” dagdag ni Sotto. (Anne Lorraine Gamo)