Arroyo tutulong para makamit ang hustisya sa pagpaslang kay Cong Rodel

Umapela si Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa mga awtoridad na paspasan ang imbestigasyon para sa agarang ikalulutas ng kaso ng pagpatay kay Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe at police escort na si SPO1 Orlando Diaz.

Isa si SGMA sa mga naunang lumutang at dumalaw sa burol ni Batocabe sa Ricardo Arcilla Hall sa Daraga, Albay nitong Linggo nang umaga.

Bandang alas-9:45 ng umaga nang dumating si SGMA at sinalubong ito nina House Majority Leader Rolando Andaya at Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin.

Kinondena ni Arroyo ang nangyaring pagpatay at nangako ito na tutulong para makamit ng pamilya ni Rep. Batocabe ang katarungan.

“I condemn what has happened. Life has become so cheap. That should not be so. Nothing can justify that gruesome murder. So I hope our authorities could conduct a thorough and speedy investigation,” sabi ni Arroyo sa panayam ng media.

Samantala, binigyang diin ni Arroyo na mahal na mahal ng mga taga-Kongreso si Batocabe. (Aries Cano)