Arroz caldo con beef

Isa ang arroz caldo sa comfort food ng mga Pinoy. Masarap itong namnamin sa umaga pagkagising, kung giniginaw lalo na kung may delubyo at sa mga sitwasyong kailangan ng kalinga ng kaanak na may trangkaso.

Sinasabing mula sa impluwensya ng mga Espanyol at Intsik ang pagkaing ito. Hango sa Espanyol ang salita at ang pagkakaluto nito ay kagaya rin sa Tsina na kung tawagin nila ay ­congee. Ang caldo ay ang mainit na sabaw o broth sa English.

Sa simpleng kahulugan ay isa itong lugaw o kaning sinabawan at tinimplahan. Karaniwan itong sinasahugan ng manok, pero maaaring subukan ang recipe na ito na sa halip na manok ay baka ang ating isasahog.

Mga sangkap:

2 tablespoon cooking oil
5 butil ng garlic (tinadtad)
Luya (medium size) hiniwang pahaba
1 green onion (tinadtad)
1 kilo hiniwang laman ng baka (pinalambot)
1 tablespoon patis
1 tasa (malagkit na bigas)
6 tasa o sabaw ng pinaglagaan ng baka
½ cup tinadtad na sibuyas na mura
½ cup pritong bawang

Paraan ng pagluto:
1. Sa isang kaserola, painitin ang mantika at igisa ang bawang, luya at sibuyas.
2. Idagdag ang pinalambot na laman ng baka at isangkutsa.
3. Timplahan ng patis ayon sa panlasa.
4. Isama ang malagkit na bigas.
5. Magbuhos ng sapat na tubig o sabaw para maluto ang bigas at lumasa ang baka.
6. Ihaing may sibuyas na mura at pini­ritong bawang sa ibabaw.
Ihain nang mainit o umuusok. ()