Halos kalahati ng labor force sa bansa ang posibleng mawalan ng trabaho sa susunod na dalawang dekada kapag pumatok ang teknolohiya sa automation.

Ang pangambang ito ang gustong ipaberipika ni Sen. Paolo Benigno ‘Bam’ Aquino sa Senado upang malaman na rin sa pamahalaan kung handa sila na tugunan ang posibleng negatibong epekto ng Artificial Intelligence (AI) sa mga trabaho sa bansa.

Base sa inihain nitong Senate Resolution No. 344, ipinasisilip ni Sen. Bam ang mga plano at pagkilos ng pamahalaan upang mapakinabangan ang benepisyong hatid ng paglago ng artificial intelligence at iba pang papausbong na teknolohiya.

“We want to know how developments in artificial intelligence will affect jobs in the country and what government plans are to address possible negative impact on current and future employment for Filipinos,” wika ni Sen. Bam, chairman ng Committee on Science and Technology.

Ayon kay Sen. Bam, ipinapakita ng ilang ulat ukol sa artificial intelligence ang tumataas na kapasidad ng Chatbots at paglabas ng mga sistemang nagbibigay sa kanila ng kakayahang matutuhan ang pagkilos ng human operators.

Napag-alaman din sa working paper ng International Labor Organization (ILO) noong July 2016, na nagpapakitang 49 porsi­yento ng lahat ng trabaho sa Pilipinas ay maaapektuhan ng tinatawag na automation sa susunod na dalawang dekada.