Mukhang papasa ang panukalang batas na nagpapababa sa siyam na taong gulang ang edad ng batang may criminal liability mula sa 12 taong gulang.
Ayon sa mga nagpanukala, kailangan umanong matigil na ang paggamit sa mga menor de edad ng mga sindikato ng droga. Hindi daw matigil-tigil ang distribusyon ng iligal na droga dahil gumagamit ng mga menor de edad ang mga drug dealer na hindi naman maikulong ng mga pulis.
Ako’y matagal na naging mambabatas din. Naiintindihan ko na gusto nilang bigyang lunas ang malalang problema natin sa droga. Pero hindi ko maintindihan kung bakit itutuon sa mga bata ang pasanin ng nasabing problema.
Gusto ba ng pamahalaan na matigil ang pagpapalusot ng droga? Alam kong alam ng pamahalaan na ang kailangang gawin ay ayusin ang drug enforcement at ang dapat parusahan ay ang mga drug lords, financiers at drug chemists. Ikulong natin ang maraming Lim Eng Beng ng lipunan
Hindi ba kahiya-hiya ito sa ating mga kapulisan at ipinapasan sa mga bata ang sisi dahil sa kawalang aksyon sa distribusyon ng droga?
Panlaban daw ang batas sa mga nagnanakaw na menor de edad. Tuturuan mo ng leksyon ang isang magnanakaw na bata sa pamamagitan ng pagkulong nito? Sa karanasan ng mga juvenile offender sa Estados Unidos, mas lumala ang buhay nila nang makulong sila at nakihalubilo sa iba pang mas malalang juvenile offender.
Ang siste, wala naman tayong juvenile jails dito sa Pilipinas. Kaya mas lalong sisikip ang ating mga kulungan na nagdudulot ng pagkakasakit at sa pagkamatay ng ilan sa kanila.
Bakit ba nasasangkot sa ilang iliga na aktibidades ang isang bata? Kadalasang dahilan nito ay kawalan ng tamang gabay sa kanilang paglaki at ang iba’y itinutulak ng kahirapan at gutom. Hindi ko sinasabing tamang lumabag ng batas ang mga mahihhirap at nagugutom. Subalit hindi pa rin tamang parusahan sila sa kanilang murang edad.
Bigyan natin sila ng pag-asang mabago ang kanilang buhay. Hindi natin masasabi pero malaking tulong sila sa pagpapalago ng ating ekonomiya dahil sa kanilang talento, kasanayan at iba pang kalakasan.
Sa kanilang murang edad, maraming pwedeng paghusayin sa kanilang mga kakayanan. Kasama lagi sa proseso ng hustisya ang paghihilom ng sugat ng lahat ng nasasangkot, biktima man o may sala. Magkasama silang babangon upang higit na maging mabuting mamayan para sa ikabubuti ng ating bayan.