Isa si Arwind Santos sa haligi ng San Miguel Beer, sobrang tutok sa laro na gagawin lahat para makatulong sa team.

Mula sa magkabilang dulo ng court ang kontribusyon ng 6-foot-4 forward mula FEU.

Sa sobrang angat ng laro ni Santos, siya ang perpektong ehemplo ng player na mahal ng mga kakampi pero kinaiinisan ng mga kalaban.

Tanggap na ni Santos na marami siyang basher, dahil siya ang pahirap sa mga kalabang team. Epektibo ang laro niya, pangdiskaril sa kalaban.

Tatak na niya ang hindi pagtiklop kahit minumura, kulang na lang ay batuhin ng diehards ng kalaban.

Hindi iisang beses na nakikita sa national television na sumasagot pa si Santos sa pagmumura ng fans. Hindi siya nagsasalita, pero sapat ang pagtaas niya ng kamay o pagsenyas ng daliri sa bibig para lalong maasar ang fans.

“Kasi hindi sila San Miguel fan,” sagot ni Santos nang matanong noon kung ano ang masasabi sa kanyang haters at bashers. “‘Pag San Miguel fan ka, automatic magugustuhan mo ako. You’re lying pagka sinabi mo, you hate me, tapos you’re a San Miguel fan.”

Second pick overall ng Air21 si Santos noong 2006, makalipas ang tatlong taon ay lumipat sa SMB.
Sa edad niyang 37, wala na raw siyang kailangang patunayan at lalong hindi niya papatulan ang mga taong ayaw sa kanya.

“Bakit mo kailangang pumatol sa mga tao na ayaw sa’yo? Hayaan mo sila,” dagdag pa niya. “Kung gusto nila masaya (sa pamba-bash), it’s fine. Ako, masaya ako kung ano’ng meron ako na binigay ng Diyos. Meron akong team na San Miguel, masaya kami ng teammates ko.”