Asan ang kahol mo Cayetano?

Ipinagtataka ni dating Senador Antonio Trillanes IV kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa nagsasalita si Speaker Alan Peter Cayetano matapos magsara ang operasyon ng ABS-CBN.

Ayon kay Trillanes, sanay naman aniyang magsalita at mambola si Cayetano subalit ilang araw na itong tikom ang bibig sa alegasyon ng pag-upo ng Kongreso sa franchise bill ng Kapamilya network.

“Si Alan Cayetano, isang taong kayang magsalita at mambola maghapon, ay ilang araw nang tikom ang bibig ukol sa pag-upo ng Kongreso sa mga franchise bills para sa ABS-CBN,” pahayag ni Trillanes sa kanyang tweet noong Huwebes.

Noong Martes, Mayo 5, nag-isyu ang National Telecommunications Commission (NTC) ng cease and desist order sa ABS-CBN matapos mapaso ang kanilang prangkisa noong Mayo 4.

Una nang sinisi ni Buhay Party-list Rep. Lito Atienza, na kasalanan ng Kongreso, partikular si Cayetano sa pagsara ng operasyon ng ABS-CBN.

“Kasalanan namin ito eh. Kasalanan ng Kongreso ito. But more important, I’d like to say, squarely, kasalanan ni Speaker Cayetano ito. Pagkukulang niya ito sa bayan,” patutsada ni Atienza.

Babala pa ng kongresita, balang araw ay sisingilin aniya si Cayetano ng taumbayan dahil sa hindi nito pagtupad sa kanyang mandato.

Ilang netizen naman ang nagkomento sa tweet ni Trillanes laban kay Cayetano.

@marcconcepcion: This #ABSCBNShutdown will end up with the POLITICAL SUICIDE of Alan Cayetano’s career! Siguradong TALO na sina Alan Cayetano, Pia Cayetano at iba pa sa pamilyang Cayetano ngayong #Halalan2022

@Rymrym84148614: Pahiya siya wala pala siya kay callida [Solicitor General Jose Calida]