Asawa ni Matibag tatalupan sa WESM scam

Ipinatawag ng House Committee on Energy ang mga opisyal ng Independent Electricity Market Operator of the Philipines Inc. (IEMOP) at Philippine Electricity Market Corporation (PEMC) kaugnay ng umano’y maanomalyang Wholesale Electricity Spot Market (WESM) contract.

Ayon kay energy committee senior vice chair Jericho Nograles, nagdesisyon na ang panel na pinamumunuan ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na ipatawag ang mga top official ng IEMOP, isang pribadong kompanya na may P7,000 kapital kung saan tumatayong treasurer si Ma. Rena Ann Lourdez A. Matibag at ang PEMC na isang government-owned and controlled corporation (GOCC) upang magbi­gay-linaw sa ligal na basehan ng pinasok nitong kontrata.

Sumingaw ang posibleng conflict of inte­rest sa IEMOP-PEMC deal dahil ang incorporator nitong si Mrs. Matibag ay asawa ni National Transmission Corporation (TransCo) president Melvin Matibag na sinasabing tumukod umano sa nasabing operating agreement.

Sa mga dokumentong nakalap ng TONITE, na-verify na si Mrs. Matibag ang treasurer ng IEMOP nang maging ‘incorporated’ ito noong Mayo 2018 hanggang sa mabuo ang kontrata sa pagpapatakbo ng multi-billion WESM noong Setyembre 2018.

Binigyan-diin ni Nograles na ang ginawang deal ng PEMC at IEMOP ay labag sa batas dahil sinapawan nito ang kapangyarihan ni Pangulong Rodrigo Duterte “by allowing the transfer of government owned assests to a private company without his approval.”

“I am sure that the President Rodrigo Duterte is unaware of this deal.. sigurado ako blinsided ang Pangulo dahil bago mailipat ng PEMC mga assests na ngayong ginagamit ng IEMOP, kakailanganin ang pirma ng Pangulo ayon sa RA 10149,” sabi pa nito.

Ipinaliwanag ng mambabatas na ang PEMC-IEMOP WESM deal ay paglabag sa Republic Act 10149 o GOCC Governance Act of 2011.

Inaatas umano ng nasabing batas na ang anumang GOCC deal kagaya ng PEMC ay “must first seek endorsement from the Governance Commission for Government-Owned or Controlled Corporations (GCG) and thereafter the president’s approval, before transferring any asset or function to any private entity like the IEMOP.”

Iginiit ni Nograles na magsagawa ng congressional inquiry sa isyu dahil ang bawat kilowatt hour na binabayaran ng mga konsyumer, P .84 dito ay awtomatikong kinokolekta ng IEMOP.

Sinabi pa nito sa isang interview sa DWIZ noong nakaraang buwan na mas masahol pa umano ang istilo ng IEMOP sa kalakaran ng Mindanao-based na KAPA Investment dahil ang P7,000 na capital nito ay naging multi-milyon bago matapos ang 2018 at may deklaradong kita na P100,000,000 kada buwan.

“Mas daig pa ang KAPA (investment). Ang nangyari, ang balik sa kanila P100 million per month. More than P100 million per month collected from every electric consumer and they are hoping in next few months madadagdagan pa makokolekta nila,” diin pa ni Nograles. (JC Cahinhinan)