Opisyal nang tinanggap kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang chairmanship sa Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) at pagiging host ng ASEAN Summit sa susunod na taon.

Ang turnover ceremony ng chairmanship ay ginanap sa National Convention Center ng Laos matapos ang pormal na pagtatapos ng ASEAN Summit 2016.

Isinalin ni Laos Pre­sident Bounnhang Vorachith kay Pangulong Duterte ang isang gave­l bilang simbolo ng ASEAN chairmanship saka ipinakita ang audio-visual presentation para sa hosting ng Pilipinas sa regional forum at ipinakilala na rin ang official summit logo sa 2017.

Bago tinanggap ang chairmanship ay yumuko si Pangulong Duterte sa iba­baw ng entablado sa harap ng mga ASEAN leader at iba pang delegado.

Kasunod ng pagtanggap sa chairmanship ay inimbitahan ni Pangulong Duterte ang kanyang kapwa lider ng ASEAN at iba pang stakeholders na pumunta sa Pilipinas at makiisa sa ASEAN Summit 2017.

Umapela ng suporta si Pangulong Duterte sa lahat ng mga ASEAN lea­ders at miyembro nito para sa tagumpay ng summit hosting ng Pilipinas.

Sinabi pa ng Pangulo na makabuluhan ang hos­ting ng Pilipinas ng 2017 ASEAN dahil ipagdiriwang ang ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng ASEAN kung saan isa ang bansa sa mga founder ng organisasyon.