ASEAN Meet maraming pakinabang sa mga Pinoy

Malaki ang magiging pakinabang ng samba­yanan sa isinasagawang ASEAN 50th Foreign Ministers Meeting sa Maynila hanggang sa susunod na linggo.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, dahil kasi sa pagpupulong ay tiyak na magkakaintindihan ang mga bansa sa mga polisiya at isyu na dapat ay hindi pinag-aawayan.

Sinabi ni Andanar na ilan lamang sa mga ito ang human trafficking na problema ng maraming bansa, isyu sa kalusugan at iba pang common problem ng mga bansa.

Inihayag ni Andanar na dapat asahan ang mga joint declaration sa pagtatapos ng Ministerial meeting.

Umaasa rin ang kalihim na maipapakitang muli ng Pilipinas ang husay nito sa hosting tulad ng mga nakalipas na ASEAN summit at iba pang mala­laking kaganapan na isinagawa sa bansa.

Sa kabuuan ay aabot sa mahigit 28 foreign mi­nisters ang bisita ng bansa kabilang ang sampu mula sa Asya, Sri Lanka, kinatawan ng High Cooperation Organization, Turkey, Switzerland, Timor Leste, Korea, Australia, China, New Zealand, America, Mongolia, India, Bangladesh at Japan.

Bagama’t kasama sa mga bisita sa bansa si US Secretary of State Rex Tillerson, wala pa namang kumpirmasyon kung magkakaroon sila ng pulong ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nagpahayag naman ng kampante ang Malacañang sa inilatag na seguridad ng National Capital Region Police Office sa ilang araw na ASEAN 50th Foreign Ministers Meeting na nagsimula kahapon sa Maynila.

Giit ni Andanar na tiwala ng 100% ang Malacañang sa preparasyon ng PNP sa kabila ng banta umano ng mga dating miyembro ng Alex Boncayao Brigade na nagbalik-Islam.

Ayon kay Andanar, walang dapat ipangamba ang mga dayuhang bisita ng ating bansa dahil nakaalerto ang PNP partikular ang NCRPO para masiguro ang kaligtasan ng lahat.

Nilinaw din ni Andanar na walang nangyaring paglilinis ng mga street dwellers sa mga kalsadang dadaanan ng mga bisita dahil hindi nakagawian ng administrasyon na magpanggap.