Nakaladkad ang isang opisyal ni Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi sa kinukuwestyong sweetheart deal para sa wholesale electricity spot market (WESM).

Lumutang din ang isyu ng nepotismo matapos aminin ng isang opisyal ng power firm na sangkot sa kinukuwestyong WESM deal na asawa niya si DOE Assistant Secretary Caron Lascano.

Ito ang nabatid sa pagdinig nitong Miyerkoles ng House Committee on Energy hinggil sa ligal na batayan ng pagkakatatag ng Independent Electri­city Market Operator of the Philippines (IEMOP).

Sa pagtatanong ni Nueva Ecija Rep. Rosanna Vergara, inamin ni IEMOP president at chief executive officer Richard Nethercott na asawa niya si Lascano.

“Yes, I’m married to an assistant secretary of the DOE,” pag-amin ni Nethercott sa mambabatas.

Sinabi pa nito na binata pa siya noon nang hawakan ang kanyang puwesto sa IEMOP at may nilabas pa umanong legal opinion na wala siyang conflict of interest.

“I assure you, there’s no conflict of interest – real or otherwise,” ani Nethercott.

Subalit binasura ni Vergara ang pahayag ni Ne­thercott na walang conflict of interest sa kanya at sinabing malinaw na paglabag ito sa Section 3(D) ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act gayundin sa Saligang Batas na ipinagbabawal ang nepotismo, dahil ang IEMOP ay nasa ilalim ng Philippine Electricity Market Corporation (PEMC), na isang government-owned and controlled corporation (GOCC).

Kasabay nito, inamin din ni Nethercott kay Vergara na kasal si Transco president Melvin Matibag kay Ma. Rene Ann Lourdes Garcia, isa sa mga ori­ginal incorporator ng IEMOP.

Si Garcia ang kasalukuyang namumuno sa corporate services ng PEMC batay sa listahan ng mga opisyal nito na naka-post sa official website ng kompanya. (JC Cahinhinan)