Asensong pangrehiyonal, puwedeng makamit

Sadyang nakakabilib itong pagsisikap ng mga lokal na kongresistang hindi lamang sa kagalingan ng kanilang distrito at lalawigan ang tutok kundi maging sa pangrehiyonal na asenso.

Hindi lang sila gumagawa ng mga batas na espisipikong para sa interes ng kanilang mga kababayang humalal sa kanila kundi para sa rehiyon sa kabuuan.

Batid kasi nila na hindi aangat nang lubos ang kanilang distrito at probinsya kung hindi makakasabay ang mga katabing lalawigan sa kinabibilangang rehiyon.

Gaya na lang ng pagsisikap ng mga Bicolanong kongresista. Kahit may kani-kanyang distrito silang kinakatawan, may mga pagkakataong nagbubuklod sila para sama-samang isulong ang mga proyektong mapapakinabangan ng Bicol sa kabuuan.

Tulad halimbawa ng walang kapagurang pagsusulong ng pagbuhay sa isang makabagong Philippine National Railways (PNR).

Hindi na rin mabilang ang mga batas na nilikha para sa edukasyon, kalusugan, negosyo, local productions, trabaho, transportasyon, pabahay, pangkalikasan, turismo at iba pa na hindi lang nakatuon sa kani-kanyang distrito.

Ito dapat ang kalidad ng trabaho ng mga kongresista saanmang panig ng bansa. Makakamit ang pangrehiyonal na asenso kung magtutulungan at magso-solid sa iisang direksyon ang mga kongresista.

Tapos na ang panahon ng mga mambabatas na utak-basketball court at bakbak-kalsada.