Arestado ang isang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na responsable sa ilang madugong pambobomba sa Mindanao matapos ang isinagawang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) Miyerkoles nang umaga sa Barangay Bangkaw-Bangkaw, Naga, Zamboanga Sibugay.
Ayon kay Lt. Col. Don Templonuevo, commander ng 44th Infantry Battalion ng Philippine Army, nadakip ang suspek na si Isnaji Hasim alas-9:00 nang umaga sa operasyon ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at sundalo.
Si Hasim ay nag-ooperate sa ilalim ng pamumuno ni Basilan based ASG leader Furiji Indama, at malapit na kaibigan ng isa pang ASG leader na si Hashim Saripa.
Dagdag pa ni Templonuevo, ang nadakip na ASG bomber ay responsable sa pambobomba sa isang military checkpoint sa Lamitan, Basilan noong Hulyo 31, 2018 na ikinamatay ng 10 katao at ikinasugat ng 9 na iba pa.
Isa rin si Hasim sa mga responsable sa pambobomba sa Guiwan Bus Terminal sa Zamboanga City noong Enero 23, 2015 na ikinamatay ng 2 katao at ikinasugat ng 52.
Nakuha sa nadakip na suspek ang isang .30 BAR rifle, isang granada, improvised blasting cap at ilan pang sangkap sa paggawa ng bomba. (Edwin Balasa)