Pawang nasa impluwensya ng iligal na droga ang mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na nakasagupa ng militar sa Patikul, Sulu ayon kay Armed For­ces of the Philippines (AFP) Public Affairs Chief Col. Edgar Arevalo.

Sinabi ni Arevalo na hindi kinakaya ng isang tao na nasa normal na pag-iisip ang gumawa ng dahas o karumal-dumal na gawain tulad ng pamumugot at pananakit sa mga tao.

“Malaki po ang aming duda na posibleng ang ilan sa mga bandido na nakakasagupa ng militar ay nasa impluwensya na droga dahil ang ginagawa nilang pamunugot at pananakit sa mga tao ay hindi kayang gawin ng taong nasa matinong pag iisip,” paglilinaw ni Arevalo.

Samantala, naka-half mast ang lahat ng bandila sa lahat ng tanggapan ng AFP bilang pakikidalamhati at respeto sa 15 nasawing sundalo sa pakikipaglaban.