Nagbigay ng payo si Sen. Manny Pacquiao kay Matteo Guidicelli hinggil sa buhay may-asawa. Nagkakwentuhan ang dalawa sa isinagawang Facebook Live ng aktor para sa kanyang fundraising project na One Voice Pilipinas .Naglalayon itong mag-provide ng mga pagkain sa mga less-fortunate sa panahon ngayon ng COVID pandemic.
Guest ang boxing champ sa nasabing FB Live at sa kwentuhan nila ay nabanggit ni Matteo na bagong kasal siya at ayon kay Pacman, pareho raw sila ng experience ng aktor na tutol din ang magulang sa relasyon.
‘Yun nga lang, sa kaso ni Sen. Manny ay ang nanay niya ang tutol kay Jinkee Pacquiao.
“Nagpakasal kami, wala ‘yung magulang ko, kasi ayaw niya kay Jinkee. Same thing with you, parang ganu’n,” sabi ni Pacman kay Matteo.
Patuloy pa ng boxing champ, magulang lang daw ni Jinkee ang naroroon nang magpakasal sila na pareho nga naman kay Matteo and Sarah Geronimo, ang kaibahan lang ay ang magulang ng aktor ang naroroon.
“Ang kasama ko lang, ‘yung kapatid kong isa, and then, wala na. ‘Yun ‘yung nangyari nu’n kasi ayaw ng Mama ko kay Jinkee nun’g araw,” he said.
Pero bandang huli, siyempre ay nagbago rin ang lahat.
“Later on, nun’g makita niya na masaya kami ng pamilya at magkaroon na siya ng apo at saka ‘yun, unti-unti niyang naintindihan na kailangan palang suportahan ang anak para maging masaya,” lahad ng Senador.
Hindi raw sila nagalit sa kanyang magulang that time at tinulungan pa rin daw nila and later on ay naayos din lahat. Kaya payo ni Pacman, huwag daw awayin ang magulang.
“Later on, maiintindihan din, so ‘wag lang nating awayin ‘yung magulang natin kasi, sa ayaw at sa gusto natin, magulang natin, iisa lang ang magulang natin dito. Pag sila, nawala na, mahirap, mahirap ‘yun.
“Hindi ko naman sinasabi na maka-Mama ako, o Mama’s boy ako, but that’s our responsibility. We should love our parents,” payo ni Pacman.
Sagot naman ni Matteo, “amen, that’s very true. I’m taking in account every single word kay Sen. Manny.”
Payo rin ng People’s Champ na parating mag-I love you sa magulang, sa asawa at pamilya dahil ganu’n daw ginagawa niya, may maganda man o hindi na nangyayari.
Ibinahagi rin niya na 19 years old lang daw sila ni Jinkee nang magpakasal at ngayon ay 22 years nang nagsasama. Nakaparami na raw nilang pagsubok na nalampasan kaya sinabihan niya rin si Matteo na kung anuman ang maitutulong niya sa aktor at kay Sarah ay tawagan lang siya anytime.
“Anything that I can help, advice, before you make decision, you can call me anytime, you can ask advice or guidance, biblically or spiritually, I can do that.
“Ayoko talaga ‘yung mag-asawa or pamilya na mawasak o maghiwalay. Ayoko ‘yun. Dapat, maintindihan ng husband kung ano ang posisyon niya, maintindihan ng wife kung ano ang pagiging wife niya,” he said.
Dapat daw ay teamwork ang mag-asawa at laging nagbibigayan at nakikinig sa isa’t isa.
“Kami ng asawa ko, hindi kami nag-aaway. Nag-uusap kami palagi. Maraming pagsubok na madadaanan, you will remember me. Mark my word, you will remember me, and then, anything that I can help in advice, don’t hesitate to call me,” sey pa ni Pacman kay Matteo.
Sobrang pasasalamat naman ng aktor sa “love advice” na ibinigay sa kanya ng nag-iisang People’s Champion.
“I will never forget that invitation, sir Manny, I promise, I will call you. And I’d love to let Sarah meet you also and to talk to you and to talk about how your fate has grown ba over the years,” sabi ni Matteo.