ASISTIO BROTHER PUMUGA SA RAID

nbi-drug-raid

Pinaghahanap nga­yon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nakababatang kapatid ni Caloocan City Vice Mayor Macario Asistio III na si Luis ‘Pachot’ Asistio matapos na makatakas umano ito sa anti-drug raid ng mga ope­ratiba ng nasabing ahensya sa isang subdibisyon sa kanilang siyudad kamakalawa ng gabi.

Ito ang ipinahayag ni Atty. Joel Tovera, hepe ng Anti-Illegal Drugs Division ng NBI, sa isang press conference kung saan iprinisinta din nito ang mga naarestong suspek sa isi­nagawang raid na si Architect Arsenio Pascual IV; ang girlfriend nitong si Sharlot Isip, 48; at isang Michael Gerez, 32.

Sinabi ni Tovera na pa­kay ng dala nilang search warrant si Luis alyas ‘Pachot’ pero nakaalis na umano ito sa inuupahang bahay sa Greer Tech St., University Hills Subdivision, Caloocan City na pag-aari umano ni Pascual, ilang minuto bago dumating ang mga ahente ng NBI.

Nadatnan ng mga awtoridad sa bahay sina Pascual, Isip at Gerez na pawang nagpositibo umano sa isinagawang drug test sa kanila.

Ayon kay Tovera, nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa iligal na gawain nina Luis alyas ‘Pachot’ at Pascual. May dalawang taon na rin umanong sangkot si Luis alyas ‘Pachot’ sa illegal drug trade.

“Iyong kapatid niya si Luisito, nagpasailalim na ‘yun sa rehabilitation etong Luis, hindi puma­yag, tumawag na nga dito ang pamilya at nagpasabi na susuko daw si Luis,” pahayag ni Tovera.

Bitbit umano ng NBI ang isang search warrant na inisyu ni Executive Judge Reynaldo Alhambra ng Manila Regional Trial Court at nakumpiska sa raid ang mga drug pa­raphernalia, marijuana at shabu sa kuwarto ni Luis.

“Actually nagkalat sa paligid ng bahay ‘yung paraphernalias, ‘yung isa, visitor sa bahay doon gumamit,” dagdag ni Tovera.

Samantala, napag-alaman na isa umanong certified architect at fire safety practitioner/consultant ang suspek na si Pascual subalit noong 2014 ay ipinasok ng kanyang pamil­ya sa Central Luzon Drug Rehabilitation Center at sumailalim sa post-rehabilitation treatment ngunit muling bumalik sa paggamit ng droga.

Sasampahan ang tatlong naaresto ng mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. May kaso rin na paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban kina Asistio at Pascual.