Walang buhay na bumulagta ang isang hindi pa kilalang babae na umano’y pinaghihinalaang asset ng mga pulis makaraang itumba ito ng hindi pa kilalang suspek sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.

Ayon sa Caloocan City Police kinilala ang biktima sa alyas ‘Juvi’ nasa 25-30-anyos, may taas na 4’7” nakasuot ng itim na short at violet na sleeveless t-shirt.

Lumilitaw na alas-tres ng hapon nang huling makitang may kasama umanong lalaki ang biktima sa bakanteng lote sa BMBA Compound, Brgy. 120 subalit ilang sandali pa ay nakitang binaril ng kasamang lalaki ang biktima.

Namatay noon din ang biktima habang mabilis namang tumakas ang hindi kilalang suspek kasama ang tatlong iba pang mga kasama nito na naghihintay ‘di kalayuan sa lugar ng pinangyarihan sakay ng dalawang motorsiklo.

Sa pagsisiyasat ng mga operatiba ng Scene of the Crime Operative­s (SOCO) narekober sa lugar ng krimen ang isang basyo ng bala ng kalibre .45 na baril.

Base sa impormasyon sa lugar, lumilitaw na ang biktima ay nagmi­mistula umanong asset ng pulisya kaya’t posibleng may kaugnayan dito ang pagpaslang sa biktima.