Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang dahilan ng pagbabarilan ng kanilang dalawang impormante na ikinamatay ng isa sa mga ito, sa Sariaya, Quezon Linggo nang umaga.

Batay sa report, patay na ng dalhin sa ospital sa Lucena City ang biktimang si Edison Sulit, 24, residente ng Brgy. Janagdong 2.

Ayon sa pulisya, nag-uusap ang biktima at ang suspek na si Bryan Valenzuela sa Brgy. Lutucan 1 bandang alas-11:30 ng umaga nang biglang magkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa.

Humantong ito sa pagbunot ng baril ng suspek at sunod-sunod na pinaputukan ang biktima na nagtamo ng malubhang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan at ulo.

Mabilis ding tumakas ang suspek matapos ang pamamaril.

Ayon sa Sariaya Police, parehong police asset ang biktima at suspek at katulong ng pulisya sa paglaban sa iba’t ibang krimen partikular sa iligal na droga. (Ronilo Dagos)