Bagama’t binago na ang plaka at kulay, natunton ng mga operatiba ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang sasakyan sa viral road rage video na mayroong plakang number 8 sa isang checkpoint sa Novaliches, Quezon City Huwebes nang gabi.
Ayon kay PNP-HPG Commander Chief Supt. Roberto Fajardo, narekober nila ang FJ Cruiser na may plakang No. 8, subalit napalitan na ito at maging ang kulay ay nabago na rin.
Mula sa dating kulay asul, naging kulay itim na ang SUV. Wala na rin ang number 8 protocol plate nito sa halip ay AVA 8781 na ang plate number nito.
Dahil sa binagong itsura ng sasakyan, ang road rage suspect na si Jojo Valerio ay mahaharap sa karagdagang kaso dahil pinapinturahan ng iba ang SUV nang walang permiso mula sa Land Transportation Office at PNP-HPG.
Naaresto si Valerio noong Miyerkoles pero pansamantala itong nakalaya matapos magpiyansa sa mga kasong physical injuries, grave threat at usurpation of authority.