Bagama’t nasa loob na ng kulungan ay sinasabing nanghihingi pa ng dugo ang isang bagong panganak na ina na walang takot na ginilitan ang sariling sanggol bago sinipsip ang dugo nito dahil sa isa umano siyang aswang sa Sitio Alang-alang, Barotac Viejo, iloilo.
Sa report base na rin sa paglalahad ni Ramil Tolentino, 33-anyos, mister ng suspek na si Lexie Tolentino, pag-uwi nito ng bahay noong Biyernes ay naabutan niyang humihikbi habang nakatulala ang kanilang apat na taong gulang na anak.
Dala ng kuryusidad ay agad nitong hinanap ang kabiyak kung saan pagdako nito sa kanilang kusina ay nabungaran na lang ang walong buwan nilang sanggol na wala nang buhay at laslas na ang leeg. Nasa tabi lamang nito ang kanyang misis na siyang may kagagawan ng krimen kung saan may bahid din ito ng dugo dahil sa ginawang pagsipsip sa kinatay na supling.
Nabatid na ginamit umano ng ginang sa pamamaslang ang isang gunting na kung tawagin sa kanilang lugar ay ‘pisaw’.
Bunga nang nasaksihan ng ama ay agad nitong inusisa ang 4-anyos nilang anak na nagkuwento namang tinanong pa aniya ang nanay nito kung ano ang ginagawa nito sa kapatid na sanggol habang umiiyak ngunit hindi ito pinansin ng ginang sa halip ay tuloy-tuloy pa sa paggilit sa leeg ng sanggol at pagdaka’y sinipsip ang sumirit na dugo.
Sa kasalukuyan ay nasa piitan ang ginang na pinaniniwalaang nakaranas ng post partum depression.
Hinihintay naman ng mga awtoridad kung itutuloy ng kanyang mister ang pagsasampa ng kaso matapos ang ginawang krimen sa kanilang supling.