Sumabak na rin sa recording ang komedyanteng si Atak Araña. Nabanggit niya ito sa panayam namin sa online show ng Abante Tonite na “Tambayan ng Tsika.”

Saad ni Atak, “Ang title ng single, kasi based sa true to life story ng buhay ko ‘to, ‘Attack na si Atak,’ by Atak Araña and composed by Bry Aquino ng ‘Sunday PINASaya.’ Actually last year pa po siya, kaya lang, ang perfect timing talaga ni Lord na ilabas ito, talagang kung saan moment ko na ilabas na talaga.

“It’s a novelty, parang alam mo ‘yung mga ‘Gangnam style?’”

Dagdag pa niya, “First time kong magkaroon ng single, kasi pangarap ko talaga sa buhay ‘yung magka-­recording. Bata pa lang ako noong napapanood ko si Regine (Velasquez) sa ‘Bagong Kampeon,’ talagang nangarap ako. Tapos si Kuya Rico pa na nakatrabaho ko rin, noong napapakinggan ko ‘yung hit songs ni Rico J. Puno, sabi ko, ‘Ang ganda, parang ganyan ang gusto kong genre.’”
Kung sabihan siyang local version ni Psy, okay ba ‘yun sa kanya?

“Okay na okay talaga, kasi mapapansin talaga… ‘Tsaka ‘yung anyo ko yata lalo na kapag nag-shades ako, parang si Psy. Kaya nag-Korea talaga ako, nag-research ako roon, nagtanong-tanong para somehow may idea ako.”

Bakit natagalan ang paglabas ng single niya? “Minsan kasi, gusto mo nang ilabas kaya lang ang hirap sabayan ang Momoland. Kapag sinabayan mo ‘yan, naku day, lalampasuhin ka! Pero natapos na ‘yung era nila, na tala­gang namayagpag sila. So, siguro it’s about time na tayo naman, talagang magkaroon tayo ng novelty. Kasi good vibes ‘yung song.”

Dinaan sa kanta ang kaapihan

Nabanggit pa ni Atak kung paano nagawa ang kanta. “Nagkuwento ako sa kanya (Bry) ng mga pangyayari sa buhay ko, ‘yung mga experience ko sa buhay ko mula nang nag-umpisa ako sa comedy bar na lagi akong binu-bully, lagi akong api, lagi akong ganoon… Tapos nang nabigyan ako ng pagkakataon ni Direk Wenn (Deramas)… parang, iyon napansin nila ako, iyon, marami nang mababait.

Ipinapakita ko sa kanila na hindi ako nagtatanim ng galit, na gusto ko ay good vibes, at saka ma-reach-out ko pa rin sila, maging friends ko pa rin sila.”