Ate Vi, Roderick, Ka Freddie sasabak sa 2019 election

Ilang celebrity ang naghain ng kanilang kandidatura para sa halalan sa Mayo 2019.

Ilan sa mga personalidad na tumungo sa Commission on Elections (Comelec) sa unang araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga tatakbo sa darating na halalan, ay ang aktres na si Vilma Santos na tatakbo muli bilang kongresista ng ika-6 na distrito ng Batangas, musician Freddie Aguilar na tatakbong senador, Councilor Roderick Paulate na tatakbong vice-mayor ng Quezon City.

Nanumpa naman sa PDP-Laban ang aktor na si Richard Yap at inaasahang tatakbo bilang kongresista ng Cebu. Lalabanan niya si incumbent Rep. Raul del Mar ng first district.

Samantala, ang dating mali­mit na katambal ni Santos na si Christopher ‘Boyet’ de Leon ay nanumpa na sa Lakas-CMD at tatakbo bilang kongresista ng Parañaque City. Makakasama niya sa partido si Jeremy Marquez, anak ng komedyanteng si Joey Marquez, na kakalabanin ang incumbent Vice-Mayor Rico Golez.

Nagpahayag na rin ng intensyon si Vice-Governor Daniel Fernando na tumakbo bilang Gobernador ng Bulacan sa darating na halalan.
Inaasahan din ang paghahain ng COC ni dating senador Lito Lapid na susubok bumalik sa Senado.