Ateneo bully itago muna baka kuyugin

Pinayuhan ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar ang magulang ng batang nam-bully na huwag munang palalabasin ito para na rin sa kanyang kaligtasan dahil baka resbakan ng mga taong galit sa ginawa nito.

“Siguro huwag nyo na lang muna papuntahin sa mall, papuntahin in public kasi mahirap na. Marami ring mga baliw sa labas eh, baka gantihan. Di ba mayroong Fil-Am na naghamon. Idinamay na `yung tatay. Humahaba na, ani Andanar.

Sinabi ng Kalihim na hindi rin maiwasang ma-cyberbully ang batang nanapak ng kapwa estudyante dahil talagang nakakagalit anya ang ginawa nito.
Masakit anya sa magulang na binu-bully ang anak at nagdugo pa ang mukha dahil sa kapalaluan ng isang estudyante.

Hindi umano maaaring kasuhan ng physical assault ang junior high school student na nam-bully ng kapwa nito estudyante sa loob ng comfort room ng Ateneo de Manila University, ayon sa pulisya ng Quezon City.

Kinumpirma ni Supt. Cipriano Galanida, hepe ng Quezon City Police District-Anonas Police Station 9, na nagtungo sa kanila ang mga magulang kasama ang 14-anyos na biktima pero ito?y Of the record lamang at hindi nila maaaring imbestigahan at kasuhan ang nam-bully.

Sinabi ni PO1 Rowena Darline Felizario ng Women and Children Protection Desk ng Anonas Police Station 9, dakong alas-siyete ng gabi noong Huwebes nang magtungo ang mga magulang kasama ang kanilang anak na biktima ng pambu-bully upang ipa-blotter lamang ang pangyayari na nag-viral sa social media.

Aniya, tanging ang magagawa nila sa nasabing insidente ay i-blotter at hindi sila maaaring mag-imbestiga dahil parehong 14-anyos ang dalawang estudyante at hindi nila maaaring kasuhan.

?Pareho po kasing 14-anyos lamang ‘yung dalawang bata kaya hindi namin maaaring kasuhan ng physical assault. Ang pwede lang ay civil liability, yung mag-aaregluhan na lamang ang magkabilang partido. Halimbawa, magde-demand ng hospital bills ang mga magulang ng biktima o hihingi ng damages,” paliwanag ni Felizario.

Binigyang-diin pa nito, na ang mas mainam na gawin ng pamilya ng biktima ay sa mismong paaralang pinapasukan ng kanilang anak dalhin ang kaso at ang mga nangangasiwa naman ang siyang magdedesisyon kung ano ang dapat gawin sa kanilang estudyante na nam-bully. (Dolly Cabreza/Aileen Taliping)