Dinagit ng Ateneo Blue Eagles ang huling men’s semifinals berth sa UAAP Season 79 badminton tournament matapos kaldagin ang UST 3-1 kahapon sa do-or-die playoff.

Nakabawi ang Blue Eagles matapos ang 2-3 defeat noong Sabado kontra Growling Tigers sa pagtatapos ng preliminaries.

Haharapin ng Ateneo ang karibal na De La Salle sa first stepladder knockout semis sa Miyerkules sa Rizal Memorial Badminton Hall.

Naghihintay na ang three-peat seeking National University sa best-of-three championship series matapos walisin ang pitong laro sa elimination round, hawak ng UP ang twice-to-beat bonus sa se­cond step-ladder semis dahil tumapos sila ng second sa 6-1.

Kinalawit ni Clarence Filart ang unang panalo ng Eagles sa first singles match 21-17, 21-11 laban kay Christian Yabut, sinundan ng panalo ni Jan Ma­ngubat kay Kristian Barrios 21-13, 21-11 sa second ­singles.

Dumikit sa 2-1 ang Tigers nang hatawin nina Paul Pantig at Edgar Reyes ang 21-16, 21-16 panalo kina Filart at Sean Chan sa first doubles.

Tinapos nina Hanz Bernardo at Mangubat ang match sa panalo kina Mark Sotea at Barrios 21-12, 21-18 sa second doubles at diretso ang Eagles sa semis.