ATENEO KAKASA KAHIT WALANG ALYSSA

shakeys-v-league-2016-ateneo

Mga laro sa Sabado (Ynares Arena, Pasig)
4:00 p.m. — UP vs. San Beda
6:00 p.m. — San Sebastian vs. Perpetual

Balik ang aksiyon sa Shakey’s V-League Season 13 bukas, July 30, sa siklab ng Collegiate Conference tampok ang teams na naghahasa para sa kani-kanilang varsity leagues.

Idedepensa ng National U ang titulo na ninakaw sa Ateneo via sudden death noong isang taon, laban sa walong iba pang koponan na nagpa­lakas at gigil bumawi.

Balik si Jaja Santiago sa Lady Bulldogs, kasama sina Fil-Japanese Risa Sato, Jasmine Nabor, Joy Doromal, Aiko Urdas, Gayle Valdez at Jorelle Singh.

Tapos na ang tour of duty ni volleyball phenom Alyssa Valdez sa Ateneo, pero kakasa ang Lady Eagles sa likod nina Jhoanna Maraguinto, Kim Gequillana, Bea de Leon, Ana Gopico, Julia Morado at Michelle Morente.

Markado rin sa two-month tournament ang NCAA reigning champion St. Benilde, ang nagsisimulang umangas sa UAAP na UP, many-time NCAA titlist San Sebastian, TIP, Perpetual, FEU, San Beda, at Shakey’s V-League multi-titlist UST.

Live na mapapanood sa ABS-CBN Sports + Action Channel 23 ang games.

Single-round robin eliminations lang sa conference na inorganisa ng Sports Vision at suportado ng Mikasa at Accel. Hahatiin sa dalawang grupo ang teams, ang top three ay aabante sa carryover quarterfinals at tutuloy sa semis ang top four.

Haharapin ng No. 1 ang No. 4, No. 2 kontra No. 3.

Nasa Group A ang NU, Ateneo, SSC, TIP at Perpetual, sa Group B ang St. Benilde, FEU, San Beda, UP at UST.

Si NCAA Finals MVP Jeanette Panaga muli ang gigiya sa Lady Blazers, babanderahan ni Grethcel Soltones ang Lady Stags.

Sa ilalim ni coach Jerry Yee ay nagiging lehitimong contender ang Lady Maroons na pangungunahan nina Kat Bersola, Isa Molde at Justine Dorog.