Ateneo nakarma sa pandadagok, dapa sa NU

Nag-dive si Cyril Gonzales ng Natio­nal University upang makuha ang bola sa may bench ng Ateneo de Manila University sa nalalabing 7:54 ng ikatlong yugto.

Pero binatukan siya ni Allan Tañedo kaya sinipa niya ito upang magkasagutan sila habang umepal si Amchel Angeles na sinalya ang una sa pagtulong kahit mali ang kanyang kakuwadra.

Pansamantalang pinatalsik sila sa laro ng mga referee pero kalauna’y pinabalik din ang tatlo sa game.

Nakarma sa NU Bullpups ang ADMU Blue Eaglets sa kabayanihan ni Miguel Oczon, ang nakanakaw ng bola at naka-basket tungo sa 70-67 alpas ng Manila-based hoopsters sa mga taga-Quezon City kahapon.

Hindi nawalis ng Eaglets ang 16-game ng torneo sa pagkalagot ng ragasa sa 15 kaya may 80th UAAP junior (boys) basketball tournament Finals Game 3 sa The Arena-San Juan City pa rin sa Biyernes ng alas-kuwatro ng hapon.

Mautak na nabasa ni Oczon ang inbound pass ni Jason Credo na para sana kay Dave Ildefonso, nanenok niya ang bola, naka-lay-up kasabay ng buzzer at ipantay sa tig-isang panalo ang best-of-three series.

“I just did my best for the team,” putak ni Oczon, na nakapagbaon ng 17 points.

“Mas disciplined ang defense namin,” iwas komento sa gulo ni Bullpups coach Goldwin Monteverde.

Waldas ang trinabaho ni Ildefonso sa ­Eaglets na 14 points at 13 rebounds sa masaklap na talo.

Ang iskor:
NU 70 – Oczon 17, Amsali 11, Malon­zo 10, Javillonar 8, Manalang 7, Minerva 7, Fortea 4, Gonzales 3, Coyuca 3, Felisilda 0, Pangilinan 0
ADMU 67 – Ildefonso 14, Sotto 10, Belangel 10, Credo 7, Manuel 6, David 6, Escalona 5, Angeles 5, Chiu 4, Diaz 0, Tanedo 0.
Quarters: 21-21, 34-35, 47-48, 70-67.(Elech Dawa)