Buhay pa ang Ateneo sa paghahabol sa semis matapos dagitin ang University of Santo Tomas 25-22, 25-19, 25-19 sa round-robin quarterfinals ng V-League Season 13 Collegiate Conference sa PhilSports Arena kagabi.
Nagtala sina Ana Gopico at Kim Gequillana ng tig-13 puntos para sa Lady Eagles na umangat sa 2-2.
Kailangang manalo ng Ateneo sa Far Eastern University para masigurado ang puwesto sa semis. Pero kapag natalo ang Lady Eagles ay haharapin nila ang matatalo sa laban ng UP at San Sebastian sa playoff para sa huling semis spot.
Tumapos si guest player Eya Laure ng 13 puntos para sa UST.
Samantala, na-sweep ng National University ang quarterfinals matapos pataubin ang University of the Philippines 23-25, 25-19, 26-24, 25-19 sa unang game.
Nanguna si Jaja Santiago ng 21 puntos para sa Lady Bulldogs, may 20 si Aiko Urdas.
Umangat sa 4-1 carryover win-loss record ang Lady Bulldogs.
“Sobrang malaking bagay sa amin (sweep) nakadagdag na ng morale kahit papaano, kumbaga magiging positive na ang thinking ng mga bata, maganda na ‘yun para sa amin,” sabi ni NU assistant coach Edjet Mabbayad.
Umatake ang Lady Bulldogs sa opensa at blocking pero namigay naman ng 36 puntos sa Lady Maroons galing sa kanilang errors.
“First set ang unforced errors namin is 12 so doon pa lang makikita na talo na,” paliwanag ni Mabbayad. “In-inform ko sila sa mga nangyari sa first set, especially sa mga unforced errors, ‘yung service errors namin tatlo tapos ‘yung mga bumabagsak na bola, naging aware naman sila doon.”
Tumapos si Diana Carlos ng 12 puntos para sa UP, nag-ambag si team captain Kathy Bersola ng 11. Nahulog ang Lady Maroons sa 2-2 kabuhol ng San Sebastian College at Ateneo.