Viral ngayon sa social media ang video ng pambu-bully ng isang estud­yante ng Ateneo de Manila University (ADMU) Junior High School kung saan binugbog ang isang mag-aaral na umiihi sa loob ng comfort room.

Unang nai-post sa Facebook account ng isang Butch Ruiz Baliao ang naturang video na makikitang naka-uniporme ng ADMU ang mga sangkot sa insidente.

“ATENEO BULLYING INCIDENT Look at this little dwarfy bully. Sarap tirisin ang kumag,” nakalagay na caption sa video.

Sa nasabing insidente, pinapili ng isang maliit na lalaking nam-bully ang umiihi kung gusto nitong mabugbog o halikan na lamang ang kanyang sapatos at ari, habang may isa namang kumukuha ng video sa kanila.

Binilangan ng bully ang estudyante pagkatapos ay binugbog na ito at sinipa. Dumugo ang nguso ng biktima matapos tamaan ng solidong suntok.

Naglabas na kahapon ng pahayag ang Office of the Principal ng ADMU Junior High School na may lagda ni Jose Antonio P. Salvador tungkol sa insidente.

“The Ateneo Junior High School is dealing with this matter seriously beginning with an immediate investigation that ensued the moment the report reached us,” nakasaad sa pahayag ni Salvador.

Nag-aalala rin umano sila sa pagsi-share ng nasabing video online at sa mga social media group dahil hindi lang ang privacy right ng mga sangkot na menor de edad ang nalabag kundi nag-udyok din ito ng mga reaksyon na hindi makakatulong para matugunan ng maayos ng kanilang paaralan ang insidente.

“To the concerned individuals who have brought this matter directly to our attention, we thank you for your vigilance. May we appeal however to the rest to help in putting a stop to the indiscriminate spreading of the video,” ayon pa sa pahayag ni Salvador.