Binalik ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) ang anim na athletics events habang tuluyang inalis ang obstacle racing sa mga paglalabanang events sa iho-host ng bansa na 30th Southeast Asian Games 2019 sa sa Nobyembre 30-Disyembre 11.
Sinabi ni PHISGOC Executive Director Tomas Carrasco, Jr. kahapon na mananatili ang 523 event ng 56 sports na isasagawa sa kada dalawang taong paligsahan na magiging tampok ang pinakamaraming disiplina athletics — 58.
“Take away one sports on women’s baseball but add water polo. obstacle race, that had six events, is also out because only three National Olympic Committees had expressed interest to join. So minus six events, we now add the six events asked by athletics association that complete the equation,” esplika ni Carrasco.
Una nang hiniling ng Asian Athletics Association (AAA) na ibalik ang inalis na anim na event sa track and field na men at women’s 5km run, 10km run at 20km walkathon dahil sa kahilingan ng 10 miyembrong bansa.
Pinaliwanag ni Carrasco na maaaring maging demonstration sport muna ang obstacle race kung muling hihilingin ng asosasyon nitong maisagawa para sa tatlong bansa.
Maliban sa obstacle race, ang chess ay magsasagawa rin ng tatlong demonstration games. (Lito Oredo)