Atienza, kontra sa paglaban muli ni Pacquiao sa boxing

HINDI pabor si Congressman Lito Atienza na muling lalaban sa loob ng boxing ring si Senador Manny Pacquiao.

Ang sabi ng Buhay Partylist Representative at da­ting malapit na kaibi­gan ay tatay-tatayan ni Pacman, nangako sa mga tao si Manny na huling laban na nito ‘yung nakaraan.

Ngayon ay may iba na itong pananagutan sa bayan bilang nahalal na Senador.
At dahil parte na ito ng Senado, maraming umaasa na 100% ang atensyon na ibibigay nito sa bago nitong posisyon sa gobyerno.

Ani Cong. Lito, paano magagawa ‘yon ni Pacquiao kung mahahati ang oras at atensyon nito sa boxing at sa pagiging public servant?

Kinumpirma ni Bob Arum na sa Nobyembre 5 ang pagbabalik ni Pacman sa boxing ring kalaban si Jessie Vargas.

Wish pa rin ni Cong. Atienza na magwagi si Manny, pero hindi siya pabor na lumaban ito muli.

***

Isa pang hindi siya sang-ayon kay Manny ay ang hayagang pagsuporta nito sa death penalty.
Hindi sila magkaaway, pero magkasalu­ngat ang kanilang mga paniniwala.

Unang-una ay BUHAY (o LIFE) ang PartyList ni Atienza, tapos heto si Manny na itinutulak ang DEATH penalty.

Nalulungkot ang dating Mayor ng Maynila na iba na ang direksyon ng pag-iisip ni Manny na noon ay malapit sa kanya. Noong madalas silang magkausap ay pareho sila ng mga pana­naw at paniniwala, pero ngayon ay hindi na.

Matatawag na rin daw na tampo ang nararamdaman niya dahil nagbago si Pacquiao at hindi maganda ‘yon.
Ang dating pro-life, ngayon ay pro-death na.

Agree si Cong. Lito na may kinalaman ang bagong relihiyon o bagong grupong sinalihan ni Manny sa pagbabago ng kanyang mga pananaw.

Aniya, kung nanatili itong Katoliko ay hindi magbabago ang paniniwala nito tungkol sa bagay na ‘yon.

Katwiran niya, hindi puwedeng bawian ng buhay ang sinuman. Kapag nagkasala ay parusahan, pero hindi dapat hatulan ng kamatayan.

***

Sa kanyang birthday lunch with the entertainment press kahapon ay nabanggit din ni Cong. Atienza (na ngayon ay Senior Deputy Minority Leader ng Kongreso) na hindi siya sang-ayon kay Presidente Rody Duterte na alisin na ang mga Party List Group.

Bilang isang nagmula sa naturang grupo, gustong sabihin ni Rep. Lito na ang pinakaaktibong miyembro ng Kongreso ngayon ay mga taga-Party List.

Kasi, nahalal sila dahil may adbokasiya sila at tunay na ipinaglalaban.
Bukod sa nakasaad ito sa ating Kons­titusyon, nakikita niya sa Kongreso na masisipag ang mga Party List Representative.

Tutol siya na tanggalin ito, pero okey siya na magkaroon ng reporma.

Siguraduhin na totoong kinatawan ng marginalized sector at hindi basta-basta papasukin ang kung sinu-sino. Tapos ay hanggang 3 terms lang bawat Party List Group.

***

Sa showbiz ay isusulong pa rin niya ang panukala na bigyan ng 5 years tax exemption ang movie industry dahil gipit na gipit na ang industriya sa taas ng buwis.

Patitingnan din niya kung puwedeng babaan ang halaga ng tiket sa sinehan (na nasa P250 na ngayon).