Atienza sa ABS-CBN franchise: Cayetano, anong petsa na?

Muling kinalampag ni Buhay Party-list Lito Atienza, ama ni TV host Kim Atienza ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na aksyunan na ang nakabinbing prangkisa ng ABS-CBN.

Sa panayam kay Atienza ni Omaga Diaz Report sa DZMM, sinabi ng mambabatas na nagsalita na si House Speaker Alan Peter Cayetano nooong isang araw na resolbahin na ang problema sa prangkisa ng Dos.

Gayunman ay wala naman umanong ibinibigay na petsa si Speaker Cayetano kung kailan ang gagawing pagtalakay ng Kamara.

“Nanawagan ako kay Chairman Franz Alvarez ng House Committee on Legislative Franchises, kay Speaker nasa inyo ang paraan. Huwag na tayong maghintay ng indulto na ang Supreme Court (SC) o National Telecommunication Commission (NTC) pa ang magdesisyon.

Nilinaw din ni Atienza na wala nang dapat pang talakayin sa Kamara dahil narinig naman nang lahat ang bawat panig.

Kinantiyawan pa ni Atienza ang liderato ng Kamara na hindi pagbibigay importansiya sa isyu ng ABS-CBN at gumamit ng kasabihan.

“Kung gugustuhin, hindi naman kailangan ng isang Linggo, sa Lunes mismo puwede na naming aprubahan ito. Hindi na kailangan pang dinggin, narinig na naming lahat. At nabigyan ng pagkakataoan ang lahat, kaya ang kailangan ngayon ay desisyon na lamang,” pahayag pa ni Atienza.

Sinabi pa ng mambabatas na may kasabihan na pag gugustuhin maraming paraan, pag ayaw gawin ay maraming kadahilanan.

“Ang akin nangyari na ang hindi kanais-nais. Kitang-kita namin ito. Noong Pebrero ako ay nagsalita ng matindi sa Kongreso, ang emosyon ko ay parang kay Coco,” sabi pa ng ama ni Kuya Kim.

Iginiit pa ni Atienza na nasa 80 silang mga mambabatas na pumirma para bigyan ng prangkisa ang ABS.