Atio hazing: No bail sa 10 akusado

Ibinasura ni Manila Regional Trial Court Branch 20 Judge Marivic Balisi-Umali ang petisyon para makapagpiyansa ang 10 miyembro ng Aegis Juris fraternity, akusado sa pagpaslang sa pamamagitan ng ha­zing sa University of Santo Tomas (UST) law student Horacio ‘Atio’ Castillo III noong Setyembre, 2017.

Nabatid na ibinasura ni Balisi-Umali ang petition for bail inihain ni Arvin Balag, head Juris fraternity at siyam na iba pang isinangkot sa krimen dahil sa malakas umano ang ebidensiya laban sa mga akusado.

Bukod kay Balag, kabilang sa mga akusado sina Mhin Wei Chan, Axel Munro Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Ralph Trangia, Robin Ramos, Jose Miguel Salamat, Danielle Hans Matthew Rodrigo at Marcelino Bagtang, Jr.

Napatunayan ng korte na lahat ng akusado ay nandoon nang isinagawa ang hazing na ikinamatay ni Castillo at hindi ang anumang health condition nito.

Gayundin, naestablisa sa testimonya ni Mark Ventura, fraternity brothe­r ng mga akusado na sina Hipe, Trangia, Balag ang pumalo sa braso ni Catillo gamit ang paddle.

“It was also established that the herein victim was subjected to physical injuries and died by reason hereof,” dagdag pa sa order ng hukom.

Ang 10 akusado ay nahaharap sa kasong Hazing sa ilalim ng Republic Act 8049 na may parusang 40 taon pagkabilanggo kapag nagresulta ito sa kamatayan.

Nabatid na si Castillo ay sinuntok, pinalo, pinasayaw, pinainom ng eggyolk, pinatanggalan ng salawal, pinagapang sa isinagawang initiation rites noong Setyembre 17, 2017 sa library ng fraternity sa Maynila. (Juliet de Loza-Cudia)