Muling binuksan kahapon ng Department of Justice (DOJ) ang imbestigasyon sa kaso ng pagkamatay ng law student ng University of Santo Tomas (UST) na si Horatio ‘Atio’ Castillo III, mula sa initiation rites ng mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity noong Setyembre ng nakaraang taon.
Personal na sinumpaan ng fratman na si Marc Anthony Ventura, ang kanyang affidavit sa harap ng panel ng prosecutors ng DOJ.
Humarap din sa pagdinig ang mga magulang ni Atio na sina Horacio Jr. at Carminia Castillo, na natuwa sa muling pagbubukas ng imbestigasyon sa kaso ng kanilang anak.
Dumalo rin sa pagdinig si John Paul Solano, ang medical technologist na miyembro ng Aegis Juris, na tinawagan ng grupo upang rumesponde kay Atio nang bumagsak ito at mawalan ng malay dahil sa labis na hirap.
Sa kanyang sinumpaang salaysay, inilahad ni Ventura ang mga pananakit na sinapit umano ni Atio sa kamay ng mga miyembro ng Aegis Juris bilang bahagi ng kanyang initiation rites sa pagsali sa fraternity noong Setyembre 17, 2017.
Nag-ugat ang kaso sa inihaing reklamo ng Manila Police District (MPD) at mga magulang ni Atio laban sa 37 miyembro ng Aegis Juris kabilang si University of Sto. Tomas Faculty of Civil Law Dean Atty. Nilo Divina.
Binigyan ng panel ng prosecutors sa pangunguna ni Assistant State Prosecutor Susan Villanueva ang kampo ng mga respondent ng 10 araw para magsumite ng komento sa salaysay ni Ventura.
Tutol naman ang kampo ni Solano sa muling pagbubukas ng preliminary investigation dahil Nobyembre pa ng nakaraang taon ay idineklara nang submitted for resolution ang reklamo.
Hiniling pa ni Atty. Paterno Esmaquel, abogado ni Solano, na linawin ng panel kung si Ventura ay hindi na itinuturing na respondent kundi testigo na sa kaso.
Sinabi ni Villanueva na sasagutin nila ito sa ipalalabas nilang resolusyon.
Itinakda ng panel ng mga prosecutor ang susunod na pagdinig sa Enero 22, 2018 para sa pagsusumite ng mga respondent ng sagot o tugon sa affidavit ni Ventura at para sa pagdaraos ng clarificatory hearing.