Tumataginting na P200 milyong buwanang payola ang diumano’y inilawit na pampadulas ng gambling lord na si Charlie ‘Atong’ Ang kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Alexander Balutan.

Ito ay para masolo umano ni Ang ang operasyon ng Small Town Lottery (STL) noong 2016.

Inilutang ni Balutan ang naturang impormasyon sa pagdinig kahapon ng House Committee on Games and Amusement.

Ibinunyag ni Balutan na si Ang ang nag-alok ng suhol nang uriratin ito ni Quezon City Rep. Winston Castelo.

“It’s Mr. Atong Ang your honor,” sabi ni Balutan.

Inihayag ni Balutan na pumunta si Ang sa kanyang tanggapan noong Setyembre 2016 kasama si Sandra Cam. Naging board member ng PCSO si Cam noong Disyembre 2017.

Binanggit ni Balutan na sinabihan siya nina Cam at Ang na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagpapunta sa kanila.

“Kapag po kasi isa lang po ang nag-monopolize nito (STL operations nationwide) ay wala na po tayong porsiyento na pag-uusapan,” paliwanag pa ni Balutan.

Nang magkausap naman sina Balutan at Pangulong Duterte ay sinabihan ito na huwag lalabag sa mga panuntunan kahit na sino pa ang masangkot.

“Don’t bend your rules. Just follow your rules. Just follow your rules, even if it involves my own son (former Davao City Vice Mayor Paolo Duterte),” pagbabanggit ni Balutan sa ipinahayag ng Pangulo noong sila ay magkaharap.

Samantala, sa nasabi ring pagdinig ay mariin namang pinabulaanan ni Cam ang paratang ni Balutan.

“He’s lying to his teeth. Atong Ang and President Duterte are friends. The P200 million Atong was talking about was the total amount of STL revenues on a daily basis,” pagdidiin ni Cam.

Sinabi ni Cam na hindi si Duterte kundi ang close aide nito na si Bong Go ang nagsabi sa kanila na makipagkita sa mga opisyal ng PCSO.

Maagap namang inawat ni Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe ang bangayan ng dalawang opisyal ng PCSO.

“Ang sabi ni Presidente kahapon sa amin sa Bicol…Sandra, huwag mo na awayin si Balutan para makapagpadala ng P30 million ang PCSO para sa Bicol region para sa mga nasalanta ng pag erupt ng Mayon,” hirit ni Batocabe.