Magmula nang pumanaw si Miguel Barretto ay muling sumiklab ang apoy sa pagitan ng Barretto sisters. Iba’t ibang kontrobersya at sikreto ang lumabas. Ang higit na naging tampulan ng pansin ng mga netizen ay ang isyung inagaw umano ni Gretchen Barretto si Atong Ang mula sa pamangkin niya na si Nicole Barretto. Si Nicole ay anak ni Jay-Jay Barretto na kapatid nina Marjorie, Claudine at Gretchen.

Base sa reaksyon ng mga netizen, mukhang mala-James Reid o Daniel Padilla ang alindog ni Atong Ang para pag-agawan umano ng tatlong Barretto. Maging si Claudine ay na-link din kay Atong at sinasabing inahas naman umano ni Nicole mula sa tiyahin.

Pero sino ba talaga si Atong Ang sa buhay ng mga Barretto?

Sinasabi na malapit na talaga si Atong sa pamilya nila.

Noong 2011, nagkaroon ng kontrobersya sa pagitan nina Claudine at ng dati niyang asawa na si Raymart Santiago. Na-link kasi ang aktres sa kaibigan ng asawa niya na si Martin Castro. Dito na pumasok sa buhay ni Claudine si Atong. Nagkaroon din ng malisya ang pagtulong ni Atong sa isyu nina Claudine at Castro.

Sa statement ni Atong nitong Linggo, Oktubre 20, malinaw niyang sinabi na ang koneksyon niya kay Claudine ay nagsimula noong tumulong siyang ayusin ang affair nito kay Martin.

Samantala, taong 2017 naman nagsimulang ma-link si Gretchen sa negosyante. Namataan kasi ang dalawa na magkasama sa Bangkok, Thailand noong July, 2017. May VIP treatment din umano na nangyari sa dalawa sa NAIA Terminal 1. Spotted din silang dalawa na kumakain sa isang sosyal na restaurant sa Greenhills. Todo-asikaso pa nga raw si Atong kay Gretchen.

Ipinagtanggol naman ni Claudine si Gretchen at sinabing walang relasyon ang dalawa. Sadyang malapit lang umano si Atong sa pamilya ng mga Barretto na kung minsan ay nabibigyan ng malisya. Magkaibigan din si Atong at ang longtime partner ni Gretchen na si Tonyboy Cojuangco. Isinaad din nito ang business connection niya sa magdyowa.

Hindi direktang sinabi ni Atong ang romantic relationship niya kay Nicole. Inamin niya na pinag-aral niya ito at nagtrabaho naman para sa kanya ang ina ni Nicole, mga 4 to 11 years na ang nakararaan. Hindi rin involved si Gretchen sa separation niya kina Nicole at sa ina nito.

May asawa si Atong na ngangangalang Irish. Malapit umano si Gretchen dito. Ayon sa balita, maganda at edukada ang asawa niya. (Ronaline Avecilla)