Atrasadong Olympics: Magno laglag-balikat

Aminado si Irish Magno na labis ang kanyang kalungkutan nang i-postpone ang matagal din niyang pinaghandaang 32nd Summer Olympic Games 2020 sa parating na Hulyo 24-Agosto 9 sa Tokyo, Japan.

Sa kaagahan lang ng linggo ito pormal na inanunsyo nina Internaional Olympic Committee president Thomas Bach ng Germany at Japan Prime Minister Shinzo Abe ang pag-uro sa quadrennial sportsfest sa 2021 dahil sa patuloy na pamiminsala ng COVID-19 sa iba’t ibang bansa.

“Sobrang nakakalungkot po talaga,” pahayag ni Magno sa panayam ng ABS-CBN News kahapon. “Kasi ‘yun nga po, pinaghahandaan ng buong team, especially ‘yung mga na-qualified na po, kasama ako.”

Pero kahit naudlot, tiniyak ng 28-anyos boksingero na susulitin niya ang mahabang pahanon upang makapag-ensayo pa at paghandaang mabuti ang paligsahan dahil kinakailangan talaga at mas importante aniyang iurong ito ngayon para na rin sa kalusugan ng bawat lalahok at mga opisyal.

“Okay lang po, kasi mas mahabang preparation po sa pagka-postpone ng Tokyo Olympics,” saad pa ni Magno. “Priority po talaga sa ngayon at mas importante ‘yung safety and health ng every athlete. So naiintindihan ko naman po.”

Pinanapos niyang pahayag: “Self-training lang po muna, then wait po ang sasabihin ng coaches after ng quarantine.”