Nakitaan ng probable cause ng Office of the Ombudsman upang sampa­han ng kasong graft si Aurora Governor Gerardo Noveras na may kina­laman sa umano’y maano­malyang bidding sa road repair project ng provincial highway noong 2014.

Sa 15 pahinang conso­lidated resolution, inirekomenda ng mga graft investigator na tuluyan nang kasuhan sa Sandiganbayan si Noveras ng paglabag sa Section 3(e) of the Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Gayundin sina dating provincial administrator Simeon de Castros, Bids at Awards Committee (BAC) chairman Ricardo Bautista, at BAC members na sina Norma Clemente, Paz Torregosa, Isaias Noveras Jr., at Benedicto Rojo.

Samantala, ang may-ari ng RMCR Construction na si Manding Claro Ramos, ay ang lone private respondent sa kaso.

Inakusahan ni Provincial Engineer Rodante Tolentino si Noveras at mga kapwa akusado na nagsabwatan sa pagpapatupad ng maanomalyang pagkumpuni ng Dimalang Bridge Approach at road ­section ng Casiguran-Dilasag ­Provincial Road.

Ayon sa Ombudsman na may sapat na basehan ang akusasyon laban sa mga ito.

“Noveras and the BAC members acted with manifest partiality by rigging the bidding for the subject pro­jects to give unwarranted benefits to RMCR Construction,” ayon sa Ombudsman.