Pasisikipin ng apat na sunod at kasalukuyang nagtatanggol na kampeon na San Miguel Beer ang labanan sa unang dalawang puwestong may kaakibat na dalawang beses tataluning insentibo sa pagsagupa nito sa puwersado manalo na NorthPort Batang Pier.
Sasagupain ng Beermen na hangad ang ikaapat na sunod na panalo ang Batang Pier na pilit naman puputulin ang apat na sunod na nalasap na kabiguan sa pagnanais makamit ang ikatlo nitong panalo at panatilihing buhay ang tsansa sa kailangang walong koponan sa quarterfinals.
Umakyat sa solong ikatlong puwesto ang mga Beermen sa kabuuang kartada na 5-3 panalo-talo matapos nitong huli na biguin ang NLEX Road Warriors 121-111.
“Nakita ko yung self-motivation of our players. They played with a sense of urgency that we badly needed. They played really hard right in the first quarter and that set the tone of the match,” sabi ni San Miguel coach Leo Austria.
Gayunman, inaasahang masusubok muli ang katatagan ng mga Beermen sa pagsagupa nito sa Batang Pier na magkakasunod na nakatikim ng mga mahihigpit na kabiguan kabilang na ang pinakahuli nitong pagkatalo sa double overtime kontra sa Meralco Bolts.
Nakalalamang ng apat na puntos ang Batang Pier sa unang dagdag na limang minuto subalit nabitawan nito upang mahulog sa ikalawang overtime kung saan agad itong napag-iwanan ng walong puntos at tuluyang nabigo.
Magsasagupa naman sa tampok na ikalawang salpukan ang nangungunang Phoenix Pulse Fuelmasters at ang Barangay Ginebra sa ganap na alas-6:45 ng gabi.