PBA championship, Coach of the Year award.

Parang kanin at ulam nang laging pinagsasabay ni Leo Austria ang dalawa.

At sa pang-apat na pagkakataon sa huling limang taon, ang coach mula Sariaya, Quezon muli ang tatanggap ng Baby Dalupan trophy sa 26th PBA Press Corps Awards.

Unang iniskedyul ang awards night noong March 16 sa Novotel Manila sa Araneta Center pero pansamantalang kinansela muna dahil sa coronavirus disease pandemic.

Nangusan ni Austria sa pagkilala si Tim Cone ng Ginebra.

Giniyahan ni Austria, 62, ang Beermen sa dalawang kampeonato ng 2019 season kabilang ang record na panlimang sunod sa Philippine Cup. Tumukod ang San Miguel sa grand slam nang sipain ng Gin Kings sa quarterfinals ng season-ending Governors Cup na pinagharian kalaunan ng Gins.

Habang sinasalansan ang walong championship rings mula ng hawakan ang SMB noong 2014, tatlong sunod na seasons ding itinaas ng 1985 Rookie of the Year na si Austria ang PBAPC award na ipinangalan sa Maestro ng Philippine basketball kaya iniuwi niya ang Perpetual Trophy na unang binigay noong 1993.

Nasingitan siya ni Chito Victolero ng Magnolia noong 2018.

Sa pang-apat na Coach of the Year award, solo-second na si Austria sa all-time winning list – kinalasan sina Cone at Ryan Gregorio.

Si Chot Reyes ang nag-iisang five-time winner ng award. May tigalawa sina Yeng Guiao, Jong Uichico at Perry Ronquillo. (Vladi Eduarte)