Game 5 ngayon (MOA Arena)
7 pm – SMB vs. Magnolia
(Beermen lead series 3-1)

SA 34 taon ng PBA, iisang team pa lang ang naka-four-peat sa all-Filipino – ang alamat na Crispa Redmanizers.

Nagawa ito ng team ni Danny Floro noong 1979, 1980, 1983 at 1984. Walang all-Filipino confe­rence noong 1981 at 1982, sa halip ay ginawa itong Reinforced Filipino na pinagtig-isahan ng magkaribal na Crispa at Toyota.

Tinuhog naman ng Alaska – sa ilalim ni Tim Cone – ang apat na sunod na Governors Cup crowns noong 1994-1997.

Fast forward ngayong 2017-18 season, amoy na ng San Miguel ang pagbaha ng beer dahil abot-kamay na ang pang-apat na sunod na Philippine Cup title.

Lamang ang Beermen sa Magnolia 3-1 sa best-of-seven Finals, kapag nanalo muli ngayon sa MOA Arena ay kukumpletuhin ang four-peat.

“Hindi na ako makapaghintay na mag-celebrate,” ani SMB forward Arwind Santos pagkatapos ibaon ang dalawang free throws na nagselyo sa 84-88 Game 4 win sa Smart Araneta Coliseum Miyerkoles ng gabi. “Masarap yan!” dagdag niya.

Alam ni Beermen coach Leo Austria na marami pang posibleng mangyari sa 3-1. Siya rin ang arkitekto ng Beeracle comeback noong 2016 all-Filipino Finals nang iwanan ng Alaska 3-0 bago nilagok ang apat na sunod na laro tungo sa kampeonato.

Pero sa ngayon, nangangamoy four-peat na sa SMB. “We’re smelling the championship. I’m sure my players will be different players come Friday,” ani Austria.