pangkatay sa magnolia
Four-time champion sa PBA Philippine Cup ang San Miguel Beer, huli nila nang kalusin ang Magnolia sa limang laro noong nakaraang taon.
Hahabulin ng Beer ang panlimang sunod na titulo, laban sa Hotshots muli, umpisa mamayang alas-siyete nang gabi sa Smart Araneta Coliseum.
“Magandang series ‘to,” bungad ni Hotshots coach Chito Victolero sa pre-finals press conference sa Sambokojin sa Eastwood, Libis nitong Lunes nang tanghali. “Malaki ang motivation ng San Miguel. Kami ganun din kaya nasabi ko magandang laban ‘to.”
Agree dito ang counterpart niyang si Leo Austria.
“They are very competitive and we all know na kapag championship series na, walang malakas, walang mahina,” anang San Miguel mentor.
“I think we will be having a good series, an exciting one. You can never know what will happen.”
Noong nakaraang taon, ilang key players ni Victolero ang injured o galing sa injury list. Ngayon ay si Marc Pingris lang ang sidelined.
Mas mahaba ang dinaanan ng Magnolia sa playoffs, kinalos ang Ginebra sa tatlong laro sa quarters bago nasagad sa pito laban sa Rain or Shine sa semis, nangailangan pa ng overtime bago naligtasan ang Rain or Shine 63-60 sa rubbermatch noong Linggo lang.
Ang Beermen na fifth sa eliminations, nakatatlong laro din sa quarters bago ipinagpag ang No. 4 TNT. Pero limang laro lang nang sipain ang eliminations topnotcher Phoenix huli noong Huwebes.
Para kay Austria, sa dalawang serye ay lumabas ang depensa nila.
“If you look at the stats, we usually average 100-plus points. But in the last two series, we were able to become a defensive team,” lahad niya. “Sabi nga, defense wins championships. I hope magawa namin defense para sa kanila.”
Nakaabang sa ikasiyam na all-Pilipino title ang serbesa at ika-25 sa pangkalahatan sa liga habang ang mga manok ay pampito sa all-Pinoy at 15th overall.(Vladi Eduarte)