Austria vs Cone sa Coach of the Year

Austria vs Cone sa Coach of the Year

Haed-to-head sina Leo Austria at Tim Cone para sa 2019 Virgilio ‘Baby’ Dalupan Coach of the Year award sa Annual Awards Night ng PBA Press Corps sa March 16 sa Novotel Manila sa Araneta City, QC.

Nakatigatlong Coach of the Year award na sina Cone (’94, ’96, ’14) at Austria (’15, ’16, ’17). Sa tatlong sunod na tinuhog ni Austria, siya ang unang coach na gina­waran ng perpetual Dalupan trophy.

Sa nagdaang season, giniyahan ni Austria ang San Miguel Beermen sa panlimang sunod na titulo ng Philippine Cup bago sinikwat ang Commissioner’s.

Nabigo ang season sweep ng SMB nang patalsikin ni Cone at ng Ginebra sa Governors Cup bago nagtuloy para bawiin ang kampeonato ng season-ending tournament.

Bago hinablot ang Governors Cup crown, tinimunan muna ni Cone ang Gilas Pilipinas sa gold ng 30th SEA Games noong December. Core ng Ginebra ang tinapik ni Cone sa national team.

Kikilalanin din ng sportswriters na regular­ na nagko-cover ng PBA ang Danny Floro ­Executive of the Year sa 26th year celebration ng event na hatid ng Cignal TV.

Sa pangalawang sunod na taon, magbibigay ang PBAPC ng President’s Award, kasama ang Defensive Player of the Year, Mr. Quality Minutes, All-Rookie Team at Order of Merit para sa may pinakamaraming Player of the Week citations.

Kasama sa honor roll list ang Scoring Champion, All-Interview Team, Game of the Season at D-League Finals MVP. (Vladi Eduarte)